Kailan ang Araw ng Kalayaan
Sa naghalo’t nagtalsik na pawis at dugo,
Patunay ng digmaan, himagsik at gulo.
Henerasyong tigib ng dusa’t pagluha,
Makamtam lang ang hanging malaya.
Sa nakakalason na kamay ng mga manlulupig,
Ating mga bayani ay nanaig ang pag-ibig.
Pag-ibig sa bansa, pangungulila sa pag-asa,
Utak at lakas ang kanila’y naging sandata.
At nang mapasakamay na ang tanging inaasam,
Nang matawag na atin ang bansa, at hindi na hiram.
Malayang naiwagayway ang watawat na markado natin,
Tunay na nakalaya na ang Pilipinas sa pang-aalipin.
Nakaengrado ang pagkawagi ng bayan sa kasaysayan,
Dahil sa naipakitang katapangan at karangalan.
Naibalandra ang ating pagmamahal para sa bayan,
At dapat panatilihin ito hangga’t huling himlayan.
Ngunit putol man ang lubid na hawak ng mananakop,
Sinasakal pa rin ang mga Pilipino nang hindi naaangkop.
Ang sabi nila ay Hunyo raw ang araw ng kalayaan,
Subalit bakit tila hindi ito tunay na maramdaman?
Kinalimutan ang pinaghirapan ng mga mamamayan,
Hinigpitan ang gapos ng mga kapwang nagmistulang kalaban.
Natagpuan itong lubid sa kamay pa ng sariling tagapamuno,
Kababayan, tunay na nga bang nakalaya ang mga Pilipino?
